Miss kita pero hindi na pwede.

Namimiss ko ‘yung mga gabing hindi natin namamalayan ang oras dahil sa walang katapusang kwentuhan. Namimiss ko ‘yung tawanan natin sa mga bagay na tayo lang ang nakakaintindi. Namimiss ko ‘yung mga simpleng bagay, ‘yung paraan ng paghawak mo sa kamay ko, ‘yung pagyakap mo sa akin sa gitna ng katahimikan, ‘yung presensya mong kahit hindi ka nagsasalita, sapat na.

Pero ano ang pinaka-namimiss ko? ‘Yung pakiramdam na ako pa rin ‘yung tahanan mo. 'Yung ako pa rin ang kakampi mo sa lahat ng bagay. 'Yung ako ang una mong sasabihan ng iyong maliliit at malalaking tagumpay.

Alam kong hindi na pwede. Alam kong hindi na ako ang dapat mong balikan. Siguro nga, mas okay na ganito, ikaw sa mundo mo, ako sa mundo ko. Pero sa bawat araw na dumadaan, sa bawat awiting tumutugtog sa radyo, sa bawat lugar na minsan nating pinuntahan, sa bawat gabi na gusto kitang tawagan pero hindi na dapat… bumabalik lahat.

Hindi ako umaasang babalik ka. Hindi ako umaasang may pagbabago pa. Pero kung sakaling makarating sa’yo ‘to, gusto ko lang malaman mo: minahal kita nang totoo, at sa isang bahagi ng puso ko, hindi pa rin kita kayang kalimutan.

Sana masaya ka. Sana hindi mo ako naaalala tulad ng pag-alala ko sa’yo, dahil ang hirap. Ang hirap palang kalimutan ang isang taong minahal mo nang higit sa sarili mo.

-bbq